"No, no, no! Papasukin niyo ako! Kaylangan kong makausap si Hunter kaya papasukin niyo ako!"
Kanina pa ako naiirita sa boses ng babaeng iyon. Kanina pa siya sigaw nang sigaw sa labas ng bahay namin ni Hunter, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakaka-move on at hindi matanggap na ako ang mahal ni Hunter at ang pakakasalan niya.
Kanina pa siya pinapaalis ni Manong Arnaldo, ang guwardya, ngunit nagmamatigas ito. Naririndi na ako sa matinis at maarte nitong boses, kanina pa ako nagtitiis ngunit hindi na talaga ako makatiis.
Iniwan ko si Hunter sa kwarto namin at nagmamartsang bumaba patungo sa first floor ng mansyon. Lumabas ako at nakitang nasa labas din sila Mama at Papa, tinutulungan si Manong Arnaldo na kumbinsihin ang ilusyunadang Naomi na 'yon na umalis na. Mas lalo akong nainis at nagalit nang makita kong itinulak niya ang braso ni Mama palayo sa kaniya.
Si Mama. Ang Mama ko na dalawang buwan pa lang ang nakakalipas mula nang buksan ang dibdib sa operating room. Ang Mama ko na hindi pa nga pinapayagan ni Dra. Dela Pedra na umakyat ng hagdan nang mag-isa.
Nawala ang lahat ng pigil ko.
"Huwag mo siyang hahawakan!"
Napalingon silang lahat sa akin. Naglakad ako palapit sa gate, hindi ko namalayan na nakatapak pala ako sa graba nang naka-tsinelas lang, wala akong pakialam. Nakita ko ang mukha ng babaeng kanina pa sumisigaw at duon ko lang siya nakilala nang personal.
Maganda siya. Aaminin ko iyon, wala akong dahilan para magsinungaling. Mahaba ang buhok niya, may suot siyang mamahaling damit at sapatos na tumatagos siguro sa buong sweldo ko sa loob ng tatlong buwan. Ngunit gulo ang mascara sa ilalim ng mata niya at namamaos na ang boses niya, halatang hindi lang ngayong umaga siya nagsisigaw.
"Ikaw." Ngumisi siya nang makita ako. "Ikaw pala ang bago."
"Ma, pumasok na po kayo." Hindi ko siya pinansin. Hinawakan ko ang balikat ni Mama at inilihis siya papasok. "Pa, pakipasok po si Mama."
"Anak—"
"Papa, please."
Alam ni Papa ang ibig kong sabihin. Nakita ko sa mata niyang ayaw niya akong iwan duon, pero mas alam din niya kung ano ang panganib sa Mama ko kapag napagod o na-stress ito. Inakbayan niya si Mama at dahan-dahan silang pumasok sa loob, hindi lumilingon ngunit alam kong nakikinig pa rin.
Nang mawala sila sa pintuan ay saka ako humarap sa babae sa labas ng gate.
"Naomi, tama ba?"
"Oh, kilala mo pala ako." Kinalabit niya ang bakal na gate gamit ang mahaba niyang kuko. "Mabuti naman. Kung ganoon, hindi na kita paliligawan pa. Palabasin mo si Hunter, kaylangan ko siyang makausap."
"Alas-siyete y medya ng umaga."
"Ano?"
"Alas-siyete y medya ng umaga," ulit ko. "Umiiyak ang Mama ko sa loob dahil sa ginawa mo, at hindi pa nga siya nakakakain ng gamot niya. May trabaho si Manong Arnaldo na hindi kasama ang pakikipagsigawan sayo. Kaya kung may sasabihin ka, sabihin mo sa akin ngayon din, at pagkatapos ay umalis ka na."
Natawa siya. Ang tawa niya ay tulad ng narinig ko sa telepono noon, matinis at parang kinakalampag na yero.
"Ang tapang mo naman para sa isang assistant."
"Hindi na ako assistant niya."
"Ah, oo nga pala." Tinaas niya ang kilay niya at pumamewang. "Nabalitaan ko. Nilipat ka niya sa ibang department, 'diba? Or should I say, itinago ka niya sa ibang department para walang makapagsalita sa board."
Hindi ako sumagot duon. Totoo naman kasi ang unang bahagi. Hindi na ako personal assistant ni Hunter simula pa noong isang buwan, nasa marketing ako ngayon, at hindi iyon dahil sa board kundi dahil ako mismo ang humiling. Ayoko ng trabahong ang boss ko pala ang katabi ko sa kama.
"Alam mo bang tatlong taon akong PA niya?" Lumapit siya sa gate, hawak ang mga bakal nito na parang bilanggo. "Tatlong taon. Alam ko ang lahat ng iniinom niyang gamot, ang oras ng pagtulog niya, ang mga pangalan ng lahat ng gusto niyang patayin sa board. Ilang buwan ka pa lang, ha? Anim? Pito?"
"Pito."
"Pito," pang-uuyam niya. "Sa pito mong buwan, ilang beses siyang gumising sa gitna ng gabi na hindi makahinga? Alam mo ba kung ano ang gagawin kapag nangyari 'yon? Hindi, 'diba? Kasi hindi ka pa naman nakakakita."
Napalunok ako.
Alam kong ginagawa niya ito para tamaan ako. Alam ko, kilala ko ang gawaing ito, ginagawa rin ito ng mga tao sa opisina noong unang linggo ko. Alam ko, at gumana pa rin.
Dahil totoo. Hindi pa ako nakakakita.
"Umuwi ka na, Naomi."
"Isa ka lang sa kanila, alam mo ba 'yon?" Mas mahina na ang boses niya ngayon, at mas masakit. "Ganiyan din siya sa akin dati. Bumibili siya ng kape para sa'kin, dinadala niya ako sa mga restaurant na hindi mo kayang pasukin. Tapos isang araw, tapos na. Wala nang paliwanag. Isang text lang: 'this isn't working.' Tatlong taon, tinapos sa apat na salita."
Napatingin ako sa kaniya.
At sa unang pagkakataon simula nang bumaba ako rito ay hindi na ako naiirita.
Naawa ako.
Hindi ko sinabi iyon sa kaniya, hindi ako ganoon kabaliw. Kung sinabi ko iyon ay baka pati ako ay pagbuhatan niya ng kamay. Pero duon ko naisip na hindi lang siya galit sa akin. Isa siya sa mga naiwan ni Hunter noong panahon na hindi pa alam ng lalaking iyon kung paano manatili.
Isa siya sa mga babaeng sinabi ko kay Hunter na mali ang ginawa niya sa kanila.
"Naomi," mahina kong tawag. "Naniniwala akong masakit iyon. Hindi ko na sasabihin pa na tama o mali siya duon dahil alam ko naman ang sagot, at alam ko rin na hindi ako ang dapat mong pag-usapan niyan."
"Huwag mong—"
"Pero hindi ka niya babalikan."
Tumigil siya.
"Hindi mo alam 'yan."
"Alam ko." Itinaas ko ang kamay ko. Sumalubong sa sikat ng araw ang singsing sa daliri ko, at nakita kong sumunod duon ang mata niya. "Kagabi niya ako pinakasalan—hindi, kagabi niya ako pinag-alok. Sa Disyembre kami ikakasal. Nasa loob ang mga magulang ko, dinala niya sila rito para may makasama ako. Nagtatampo pa nga siya kasi ayaw kong ipa-cater, gusto ko si Mama ang magluto."
Napaatras siya ng isang hakbang, umiling siya nang paulit-ulit.
"Hindi. Hindi siya nagpapakasal. Sinabi niya sa akin—sinabi niya sa akin noon na hindi siya naniniwala duon—"
"Alam ko. Sinabi niya rin sa akin 'yon."
"Then why you!?" Sumigaw siya, at kumalampag ang gate nang tulakin niya ito. "Bakit ikaw!? Ano ba ang meron ka? Wala ka namang pera! Wala kang pinag-aralan sa abroad! Hindi ka nga marunong mag-ayos ng sarili mo, tignan mo nga ang suot mo, naka-tsinelas ka!"
Tinignan ko ang paa ko. Naka-tsinelas nga ako, at iyong luma pa na binili ko sa palengke.
"Ma'am, tama na po." Humarang si Manong Arnaldo, nakabuka ang braso sa pagitan namin kahit may bakal namang nakaharang. "Aalis na po kayo, please, tatawag na po ako sa station."
"Huwag mo akong hawakan!"
"Manong, okay lang po." Hinawakan ko ang braso niya at hinila siya pabalik ng kaunti. "Salamat po, pero okay lang."
At duon ko narinig ang pintuan sa likuran ko.
Hindi na kaylangang lumingon pa. Alam ko na kung sino iyon sa bigat ng yapak, at nakita ko rin naman sa mukha ni Naomi—kung paano nawala ang lahat ng galit duon at pinalitan ng isang bagay na parang pag-asa.
Ang sakit tignan. Alam ko na ang sasabihin niya, at alam kong wala iyong pag-asa.
"Hunter!" Napahawak ulit siya sa gate. "Hunter, baby, please. Pakinggan mo lang ako, kahit limang minuto lang—"
"Arnaldo."
"Opo, sir?"
"Ilang beses na siyang pumunta rito?"
Nag-atubili ang guwardya. Tumingin siya sa akin, tapos sa amo niya. "P-pang-apat na po ngayong linggo, sir."
Naramdaman kong tumigas ang katawan ni Hunter sa tabi ko.
"At bakit ngayon ko lang nalaman?"
"S-sabi po kasi ni Ma'am Sera na huwag na pong—"
"Manong." Napapikit ako.
"Sera." Humarap sa akin si Hunter. "Apat na beses?"
"Ayokong madagdagan pa ang iniisip mo," mahina kong sagot. "Marami ka nang inaayos. 'Yong papeles, 'yong papa mo, 'yong kasal. Kaya ko namang harapin ang ganito, hon."
Matagal niya akong tinitigan. May kung anong lumambot sa mukha niya, tapos ay hinawakan niya ang batok ko at hinalikan ang noo ko sa harap ng lahat, sa harap ni Naomi, na parang wala nang ibang tao sa mundo.
Pagkatapos ay humarap siya sa gate.
"Naomi."
"Baby, alam kong galit ka pa, pero pwede ba tayong mag-usap? Kahit sa kotse lang, kahit—"
"Never kitang minahal."
Tumahimik ang lahat. Kahit ang mga ibon sa mangga ni Papa ay parang tumigil.
"Alam ko kung gaano 'yon kasakit at hindi ko babawiin, dahil kung babawiin ko 'yan ngayon ay lolokohin lang kita ulit." Kalmado ang boses niya, walang pagtaas, walang mura. Mas nakakatakot pa sa sigaw. "Ginamit kita. Ginamit ko silang lahat, hindi ka nag-iisa duon, at wala akong sapat na dahilan na maibibigay sayo maliban sa duwag ako noon. Nagkamali ako sayo, Naomi. Sorry."
Napaawang ang bibig ni Naomi.
"Pero hindi 'yon ibig sabihin na may utang ako sayo na balikan ka. Wala akong ganoong utang, at wala rin sayo si Sera. Kaya ito ang huling beses na papayagan kitang tumapak sa harap ng bahay na 'to." Bumaling siya sa guwardya. "Arnaldo, tawagan mo ang station. Kung babalik siya bukas, may kaso na."
"O-opo, sir."
Hindi na umimik si Naomi.
Tinignan niya ako, tapos si Hunter, tapos ako ulit. Umagos ang luha niya at ni hindi niya pinunasan. Tumalikod siya at naglakad papunta sa puting kotse niya na nakaparada sa kabilang kalsada.
Ngunit bago siya pumasok duon ay lumingon pa siya sa akin.
"Seraphina."
Napahinto ako.
"Sa tingin mo, kilala mo na siya?" Ngumiti siya. Hindi na iyong pang-uuyam kanina, iyong klaseng ngiti na naaawa sa'yo. "Tanungin mo siya kung bakit ako ang pinakamatagal na PA niya. Tanungin mo kung ano ang trabaho ko duon."
Pagkatapos ay umalis na siya.
...
Hindi ko sinabi kay Hunter ang huling sinabi niya.
Hindi dahil pinaniwalaan ko. Hindi dahil naghihinala ako. Ang totoo ay dahil kilala ko na ang sarili ko—alam kong kapag itinanong ko iyon habang ganito kainit ang ulo ko, hindi tanong ang lalabas sa bibig ko kundi paratang, at hindi 'yon patas sa lalaking kaharap ko.
Itatanong ko rin. Pero sa araw na kaya ko nang pakinggan ang sagot nang hindi nanginginig.
Tatlong beses siyang pumunta rito bago ang umagang ito, at tatlong beses ko ring pinatahimik ang sarili ko.
Unang beses, Martes, hapon. Nasa opisina si Hunter at ako ang tinawagan ni Manong Arnaldo. Sinabi ko lang na huwag siyang papasukin at huwag nang idadaan pa sa amo.
Pangalawa, Huwebes. Nag-iwan siya ng sobre sa guwardya. Hindi ko binuksan. Sinunog ko sa hardin habang natutulog ang lahat, at hindi ko rin alam kung bakit ko ginawa iyon—kung dahil ayokong makita ni Hunter, o dahil natatakot ako sa laman nito.
Pangatlo, kamakalawa ng gabi. Duon siya nagsimulang sumigaw sa labas ng gate, at kinabukasan ay nagsimula ang mga tawag mula sa numerong hindi naka-save.
Tatlong beses, at ni minsan ay hindi ko binanggit kay Hunter. Sabi ko sa sarili ko, pinoprotektahan ko siya.
Ngunit habang pinapanood ko ngayon ang puti niyang kotse na lumiliit sa dulo ng kalsada, iniisip ko kung ano ba talaga ang pinoprotektahan ko—siya, o ang takot kong baka may isang bagay sa nakaraan niya na hindi ko kayang tanggapin.
Naabutan ko silang tatlo sa hapag pagbalik ko sa loob. Nakaupo si Mama, hawak ang tasa ng tsaa, at nakaupo si Hunter sa tabi niya na hawak naman ang tabletas at baso ng tubig na ipinagsalin niya.
"Ma, inumin niyo na po."
"Naku, hijo, kaya ko namang—"
"Inumin niyo na po."
Napailing si Papa. "Dalawa na kayong nag-uutos sa akin sa bahay na 'to."
"Tatlo," sabat ni Mama.
Umupo ako sa tabi ni Papa at isinandal ang ulo ko sa balikat niya. Ganito ang mga umaga namin ngayon, at kung minsan ay natatakot ako kung gaano ako kasaya, kasi baka kapag masyadong maganda ay may kukuha nito sa akin.
"Sera."
"Hm?"
"Sa Disyembre pa 'yong kasal," sabi ni Hunter. "Pero gusto ko ng ilipat sa Oktubre."
Napaangat ang ulo ko. "Ha? Bakit?"
"Kasi ayoko nang maghintay." Nagkibit-balikat siya, sinipsip niya ang kape na ginawa ni Mama at ngumiwi dahil masyadong matamis, pero inubos pa rin niya. "At kasi sabi ni Dra. Dela Pedra mas maganda kung hindi masyadong malamig ang panahon para kay Mama."
Napatingin ako kay Mama. Nakayuko siya sa tasa niya at nangingilid ang luha.
"Naku, itong bata na 'to." Pinunasan niya ang mata niya sa manggas ng duster niya. "Hijo, hindi mo naman kaylangang isipin ang lahat."
"Kaylangan po." Nakatingin siya sa akin nang sabihin iyon, hindi kay Mama. "Kaylangan kong isipin ang lahat kasi ito na 'yong pinakaunang bagay sa buhay ko na ayokong masira."
Umiwas ako ng tingin dahil naramdaman kong mainit na ang mata ko.
"O, ayan na naman kayo," reklamo ni Papa. "Umaga pa lang, umiiyak na ang dalawang babae sa bahay na 'to."
Tumawa kami. Tumawa kaming lahat, kahit iyong huling boses ni Naomi ay nasa likod pa rin ng utak ko, kahit alam kong hindi pa tapos ang araw na ito.
Mamayang gabi, habang naglalakad kami sa hardin at pinapatay ni Hunter ang mga natitirang kandila mula kagabi, sasabihin ko sa kaniya na natatakot ako. Sasabihin niyang alam niya. Tapos hahawakan niya ang kamay ko at ilalagay iyon sa dibdib niya, sa may puso, sa lugar na dati ay pinagtataguan niya ng lahat.
"Sera," sasabihin niya. "Hanggang sa pumuti ang buhok natin. Hanggang sa hindi na ako makaakyat ng hagdan at ikaw naman ang mag-aalalay sa akin. Ganoon tayo katagal, pangako."
At maniniwala ako sa kaniya.
Kahit alam kong may itinatago pa rin siya sa akin.