┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈
"Sumpa, sa tingin mo ba okay kay Julia na si Ellizar ang nakatadhana sa kanya pagdating ng tamang oras?" Mahinang sabi ni Nimfa habang magkahawak ang mga kamay nila ni Julian. Nakapwesto sila sa may veranda ng hacienda, tahimik na pinapanood si Julia na abala sa paglalaro ng alaga nitong iguana sa damuhan.
Bisita nila ngayon ang mag-asawang Marcus at Althea Dux, kasama ang dalawang anak nila na sina Ellizar at Mathayus, pati na rin ang mga high-ranking members ni Marcus at kani-kanilang mga asawa.
"Mahal naman, lumalaki na ang mga anak natin, pero sumpa pa rin ang tawag mo sa akin." Reklamo ni Julian, napapailing habang nakatingin kay Nimfa. Dahan-dahan tuloy na naniningkit ang mga mata ni Nimfa, sabay lingon sa asawa niya na nakatitig naman sa kanya.
"Ayaw mo ba?" Tanong niya, medyo may diin... 'yung tipong alam mong may kasunod na away pag maling sagot ang narinig niya. Bigla tuloy nagbago ang aura ni Julian. From medyo nagrereklamo na naiinis... to full-on submissive mode real quick.
"Gusto, mahal. Gustong-gusto ko. Ikaw naman, hindi na mabiro." Mabilis niyang sagot, sabay taas ng kamay na parang sumusuko. "Ang ganda nga ng tunog ng sumpa, parang... ang sarap ulit-ulitin. Sige nga mahal, banggitin mo nga ulit ang salitang sumpa." Dagdag pa niya na may halong pagbibiro, kaya unti-unti ng napapangiti si Nimfa sa narinig niya mula sa kaniyang asawa.
Napahagalpak naman ng tawa ang mga kaibigan nila na nakarinig ng usapan nila. Si Marcus pa ang pinakaunang tumawa nang malakas, napapailing pa habang umiinom ng alak sa hawak niyang baso.
"Damn bro, hanggang ngayon... nakahawak ka pa rin pala sa laylayan ng palda ng asawa mo." Sabi ni Marcus, kaya muling umugong ang malakas na halakhakan.
Muli namang naningkit ang mga mata ni Nimfa, sabay tayo niya at luminga-linga sa paligid, tila ba may kung anong hinahanap. Natigilan naman sila, lalo na si Julian at napatayo rin ito.
"Nasaan si Nato?" Tanong ng asawa ni Julian, kaya si Julian naman ngayon ang kumunot ang noo. Nagtataka kung bakit hinahanap ni Nimfa ang best friend ni Marcus.
"Bakit babe? Bakit mo hinahanap si Nato?" Tanong ni Julian.
"Nandito ako, kumuha lang ako ng isang basong tubig at ibinigay ko sa asawa ko. Bakit?" Sagot naman ni Nato habang papalapit sa kanila.
"Tara samahan mo ako sa may likod, nanduon si Dukito, inaalagaan ang mga apo niya. Tara at ng ibigay ko ang isang apo kay Marcus." Sagot ni Nimfa, kaya ang lakas ng tawa ng lahat, habang si Marcus naman ay naibuga ang alak na nasa loob ng kaniyang bibig at napatitig kay Nimfa, iniisip na nagbibiro lamang ito. Pero nang magsimula itong maglakad at hinila pa si Nato patungo sa likurang bahagi... biglang tumayo si Marcus, at nilundag ang veranda sabay karipas ng takbo. Hagalpakan ng malakas na tawa ang lahat habang pinagmamasdan si Marcus na mabilis na tumatakbo.
"Babe, bumalik ka dito." Malakas na tawag ni Althea, pero ni hindi siya nilingon ni Marcus. Tawa tuloy siya ng tawa dahil iniwanan siya ng asawa niya dahil sa takot kay Dukito.
"Hmp! Nakakapit pala sa laylayan ng palda ko si sumpa, ha! Next time, pakakapitin ko siya sa buntot ng mga alaga ni Julia." Nakairap na sabi ni Nimfa, at muli itong bumalik sa tabi ng kaniyang asawa. Tawa naman ng tawa ang lahat dahil sa kalokohan ng asawa ni Julian.
"Damn, napapatakbo mo pa rin hanggang ngayon ang isang King Venum. Hindi ako makapaniwala na nasa sa'yo pa rin si Dukito, after all these years... at may mga apo na pala?" Natatawang sabi ni Nato. Napahagikgik naman si Julia.
"Wala na sa amin si Dukito, matagal na. Pinalaya na ng asawa ko sa gubat, pero meron akong alaga na isa pa, si Dukito Jr, at anak ni Dukito Jr ang alaga ni Julia na si Elli. Maliit lang si Dukito Jr, hindi katulad ni Dukito Sr na malaki." Sagot ni Nimfa, kaya muling umugong ang malakas na tawanan nilang lahat.
"Pwede ko pala 'yang magamit para sa asawa ko kapag matigas ang ulo. Hihiramin ko lang si Dukito Jr, tapos patatabihin ko sa kanya... siguradong magtitino na 'yon." Natatawang sabi ni Althea.
"Makulit talaga si Marcus. Bata pa lang kami... kapag may gusto 'yan, dapat makuha niya. Hindi 'yon papayag na hindi niya 'yon makukuha, kaya gagawin ang lahat para mapasakanya 'yon. Sobrang kulit niyan, kaya nga minsan, hindi na lang namin 'yan pinapansin. Hinahayaan lang namin 'yan dahil kapag pinansin mo... lalo ka lang niyang kukulitin at iinisin." Sabi naman ni Hugo. Tumango-tango naman si Mayson bilang pag-asang ayon niya sa tinuran ng kaniyang pinsan.
Ilang saglit pa ay bumabalik na si Marcus sa kanila, nakabusangot ang pagmumukha kaya bakas sa mukha ni Althea ang pag-aalala sa kaniyang asawa.
"Ano ang nangyari sa'yo?" Tanong niya. Tahimik na naupo si Marcus sa tabi ng kaniyang asawa, walang kibo at saka lang isinandig ang ulo sa balikat ni Althea. Humugot pa ito ng malalim na paghinga kaya naman mas lalong kumunot ang noo ni Althea, nagtataka sa inaasta ni Marcus na parang bigla na lang ay nawalan ito ng gana.
"Babe... okay ka lang ba?" Tanong ni Althea. Hinaplos pa niya ang gwapong mukha ni Marcus na pawisan dahil sa pagtakbo kanina.
"Okay lang ako. May kung ano kasi akong hinahanap." Sabi niya. Kumunot naman ang noo ni Hugo habang nakatingin sa kanyang pinsan.
"Ano ba 'yon? May gusto ka bang kainin? Sabihin mo sa akin at uuwi na tayo para ipagluto kita." Malambing na sagot ni Althea, at muli niyang hinaplos. ang gwapong mukha ng kaniyang asawa.
"No. Dito lang muna tayo kila Nimfa at Julian. Hayaan nating magkalapit ang mga anak natin para naman walang problema sa paglaki nila kung sakali na mangyayari na ang napagkasunduan." Sabi ni Marcus, sabay hugot muli nito ng malalim na paghinga.
"Okay, pero ano ba ang hinahanap mo? Makakain ba?" Sagot ni Althea, kaya isang matamis na ngiti ang gumuhit sa labi ni Marcus at saka siya tumango-tango.
"babe, gusto ko kasing kumain ng avocado na maraming buto. Iyon ang hinahanap ng sikmura ko ngayon at naiisip ko pa lang ay naglalaway na agad ako." Sabi niya na ikinagulat ng lahat. Tawa naman ng tawa si Althea at si Nimfa, habang ang lahat ay titig na titig lang kay Marcus.
"Masakit ang tiyan ko. Wait lang at pupunta lang ako sa..." Hindi pa natatapos ni Amy ang sinasabi niya ay pinutol na agad 'yon ni Marcus.
"Gusto kong maghanap si Amy ng avocado na maraming buto. Gusto ko, ang mga asawa ninyong babae ang maghahanap ng avocado na maraming buto. Leader ninyo sa paghahanap si Amy at kayo ay taga sunod lang sa kanya kung saan siya pupunta." Sabi ni Marcus. Halos lumuwa naman ang mga mata ni Amy sa narinig niya.
"No. Calix, hindi ako maghahanap ng avocado na maraming buto. Saan ako maghahanap niyan, ha? Saka bakit ako? Ayoko." Inis na inis na sabi ni Amy. Tawa naman ng tawa si Calix, at napapakamot pa ito ng kaniyang ulo.
"Babe... wala akong magagawa diyan. Boss 'yan ng lahat. Kapag sinabi niya na ihanap mo siya ng avocado na maraming buto... iyon ang dapat na mangyari. Parang hindi mo naman kilala ang isang King Venum." Mahinang bulong ni Calix na hindi naman nakalagpas sa pandinig ni Marcus. Napangiti pa ito at nagtaas ng ulo, sabay pihit ng upuan at humarap kay Amy.
"Bilisan ninyo, kasi kapag nakikita ko ang mukha mo ay nakakaramdam ako ng inis. Sabi ng doktor, bawal ma-stress dahil apat ang bata sa tiyan ng asawa ko. Kapag may nangyari diyan, alam na ninyo kung saan kayo pupulutin lahat. Sige na Amy, naiirita ako sa mukha mo, parang gusto kitang tirisin ng buhay." Wika ni Marcus na may halong pananakot, kaya naman sapo ni Althea ang mukha niya at napapailing na lamang sa kanyang asawa.
"Hindi naman si Althea ang naglilihi, kaya bakit..." Hindi ulit natapos ni Amy ang sasabihin niya ng biglang tumayo si Marcus. Seryoso ang mukha nito. Bigla tuloy nagtayuan ang bawat asawa ng mga assassins ni Marcus, kaya maging si Amy ay walang nagawa kung hindi ang tumayo at saka tumingin kina Lyka at Janine.
"Ano, gagawin ba natin itong kalokohan na ito?" May inis na sabi ni Amy. Isang matalim na tingin din ang ipinukol niya sa kanyang asawa na si Calix.
"Oo, kaya tara na. Huwag ka ng magreklamo at baka magsungay pa 'yan at mas lalo ka pa niyang pahirapan." Sabi ni Janine, kaya inis na inis si Amy at sinulyapan pa ulit nito si Calix.
"Humanda ka sa akin, Calix." Inis nitong sabi, kaya gulat na gulat si Calix dahil wala naman siyang kasalanan. Pero pag-alis na pag-alis ng mga babaeng assassin... hagalpakan ng tawa ang lahat. Pero biglang napalingon ang lahat kay Nimfa.
"Ano? Bakit ganyan ang tingin ninyo sa akin? Gusto ba ninyong ipayakap ko kayo sa alaga kong sawa?" Pagbabanta ng asawa ni Julian, kaya naman dahan-dahang nauupo si Marcus at saka ngumisi ng malaki.
"Exempted ka." Mahinang sabi ni Marcus, kaya si Althea na ngayon ang tawa ng tawa, pero agad siyang pinatigil ni Marcus, dahil kabilin-bilinan ng doktor na bawal din sa kanya ang sobrang saya.
"Tang-na... saan sila hahanap ng avocado na maraming buto?" Natatawang sabi ni Diego. Nakita kasi niya sa mukha ng kaniyang asawa na hindi ito masaya sa gagawin ng mga ito.
"Matalino ang asawa ko, alam kong makapagdadala sila ng avocado na maraming buto para kay Marcus." Sagot naman ni Nato, nakangisi pa ito habang inaalala kung gaano kalaki ang ngiti ni Diana ng umalis ang mga ito kani-kanina lang.
"Gusto ko maraming buto, Nato, kaya iyon ang ihahain nila sa akin. Ayoko ng isang buto lang, gusto ko avocadong maraming buto." Naiinis na sabi ni Marcus, kaya tawa naman ng tawa sina Sammy.
"Basta ang asawa ko, game na game diyan. May idea na si Maricris na sila ang paghahanapin ni Marcus ng mga pagkaing napaglilihian niya, lalo pa at sinabi ko sa kanya na si Marcus nga ang naglilihi." Natatawang sabi ni Sammy. Sinibangutan lang siya ni Marcus.
"Pagbutihan nila dahil nagsisimula pa lang ako. Baka nakakalimutan ninyo kung paano ako pinahirapan ng mga asawa ninyo habang naglilihi sila. Pinaghanap pa ako ng kambal na tahong at talaba. Bayawak, palaka at kung ano-ano pa. Kaya ngayon... it's payback time. Ang hindi sumunod, isang taon kong parurusahan, kaya sabihin ninyo 'yan sa mga asawa ninyo dahil hindi ako nagbibiro. Kapag sinabi ko na isang taon ang parusa sa mga hindi susunod sa gusto ko... isang taon talaga." Sagot ni Marcus, kaya tawa na ng tawa sina Hugo.
"Yari nga talaga diyan ang asawa mo Calix. Hindi ba at galit na galit pa si Amy sa pagmumukha ni Marcus?" Pang-aasar ni Hugo, kaya nilingon siya ni Marcus.
"Pati asawa mo, pahihirapan ko. Pati asawa mo Josh at Mayson. Lahat sila... lahat ay makakaranas ng paghihiganti ko, hindi ba baby?" " Nakangising sabi ni Marcus at muling inihilig ang ulo niya sa balikat ng kaniyang asawa. Natatawa na lamang si Althea, at nakipag high five pa ito kay Nimfa.
"Thank you babe dahil hindi mo na ginagamit ang body wash at ang pabango mo. Hindi talaga kinakaya ng sikmura ko. Pwede pala ang ganuon... ako 'yung naglilihi." Sabi ni Marcus, at natatawa pa ito. Talagang ikinatutuwa niya na siya ang naglilihi dahil makakaganti na siya sa mga asawa ng mga assassins niya na nagpahirap sa kanya nuong buntis ang mga ito.