ELARIA
Hindi ko namalayang tinanghali ako ng gising kinabukasan. Siguro dahil ilang gabi na rin akong hindi maayos ang tulog. Kahit wala naman akong ginagawa buong araw, parang hindi pa rin sapat ang pahinga ko. Nang tuluyan akong bumangon, wala na naman si Patrick sa tabi ko.
Hindi na ako nag-abala pang hanapin siya sa kuwarto. Alam kong malamang ay nasa ibaba na siya o umalis na naman nang hindi ako ginising. Pagkatapos kong maligo at mag-ayos, bumaba ako sa sala habang inaayos ko pa ang buhok ko.
Pagdating ko sa huling bahagi ng hagdan, napansin kong may kausap si Patrick na isang lalaki.
Napahinto ako sandali.
Hindi ko kilala ang lalaki. Nakatalikod siya sa akin kaya hindi ko agad makita ang mukha niya. Matangkad siya at malapad ang balikat. Nakasuot ito ng simpleng dark shirt at maong na pantalon, at kahit hindi naman kapansin-pansin ang damit nito, may kakaibang dating ang lalaki na agad nakakuha ng atensyon ko.
Napatingin ako kay Patrick, saka muling bumalik ang tingin ko sa estranghero.
“Love, good morning,” bati ko habang tuluyang bumababa.
Agad na lumingon sa akin si Patrick. Nagbago nang kaunti ang ekspresyon nito na para bang ngayon lang nito napansin na gising na ako.
“Good morning. Akala ko matagal ka pang magigising,” sabi niya habang tumayo mula sa sofa.
Napatingin naman sa akin ang lalaking kasama niya. At doon ko unang nakita nang maayos ang mukha nito. Hindi ko alam kung bakit bigla akong natigilan.
May matalim itong mga mata na tila sanay tumingin nang diretso sa kausap. Makapal ang maitim nitong buhok at maayos ang pagkakahubog ng mukha nito. Hindi siya mukhang tipikal na lalaking madalas kong nakikita sa mga kaibigan o business associates ni Patrick. May kakaiba sa kanyang tindig. At sa paraan ng pagkakatingin niya sa paligid na parang hindi siya sanay magpakitang-gilas para mapansin. Basta, ang guwapo niya at misteryo tingnan.
Hindi ko namalayang napalunok ako.
“Elaria, come here. May ipakikilala ako sa iyo,” sabi ni Patrick habang lumapit sa akin.
Lumapit ako sa kanila at pilit na ngumiti.
“Si Evander,” pagpapakilala ni Patrick. “My kuya.”
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko.
“Kuya?”
Tumango si Patrick.
“Yeah. Hindi ko lang siya madalas nababanggit sa iyo dahil nasa province siya. Doon siya nakatira at doon niya inaasikaso ang mga ginagawa niya. Ngayon lang siya nakaluwas dito sa Manila.”
Inilahad ni Evander ang kamay niya sa akin.
“Nice to finally meet you, Elaria.”
Ilang segundo kong tinitigan ang kamay niya bago ko iyon tinanggap.
“Nice to meet you too, Evander,” sagot ko.
Mainit ang kamay niya at matatag ang pagkakahawak, pero hindi naman iyon ang dahilan kung bakit bigla akong naging conscious sa sarili ko. Nang magtama ang mga mata namin, parang may kakaiba sa titig niya na hindi ko maipaliwanag.
Agad kong binawi ang kamay ko. Hindi ko alam kung bakit ako ganoon ka-conscious. Kapatid siya ni Patrick. Wala naman akong dahilan para maging awkward sa harap niya.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin na darating pala ang kapatid mo?” tanong ko kay Patrick habang tumitingin sa kanya.
“Biglaan lang din. Kagabi niya sinabi sa akin na pupunta siya rito. Gusto niyang magbakasyon muna sa Manila at may ilang bagay din siyang aasikasuhin habang nandito,” paliwanag ni Patrick.
Umupo ulit si Evander sa sofa habang ako naman ay nanatiling nakatayo sa tabi ni Patrick.
“Actually, six months lang ako rito,” sabi ni Evander. “Pagkatapos no'n, babalik din ako sa province. Ayoko namang bumili pa ng sariling bahay dito kung pansamantala lang naman ang pag-stay ko.”
Tumingin sa akin si Patrick.
“Kaya sa atin muna siya titira.”
Napatingin ako sa asawa ko.
“Sa atin?”
“Yeah. Six months lang naman. Malaki naman ang bahay natin, so I don't see any problem with it. Tutal, kapatid ko naman siya,” sagot ni Patrick na parang napakasimple lang ng sinabi niya.
Hindi naman talaga iyon problema para sa akin. Malaki ang bahay namin at maraming kuwartong hindi ginagamit. Kung kapatid ni Patrick ang titira sa amin, wala naman akong dahilan para tumanggi.
“Of course. Wala namang problema sa akin,” sagot ko.
“Thanks,” sabi ni Evander habang bahagyang ngumiti.
Doon ko muling napatingin sa kanya.
Mas lalo kong napansin ang itsura niya nang ngumiti siya. Hindi iyon malawak na ngiti. Bahagya lang na gumalaw ang labi niya, pero sapat na para magbago ang dating ng mukha niya.
Agad kong iniwas ang tingin ko.
Hindi ko maintindihan kung bakit ko napapansin ang mga ganoong bagay.
“Hindi mo naman kailangang mag-alala, Elaria. Hindi ako magiging pabigat. Six months lang ako rito at karamihan ng oras ay nasa labas din ako. Gusto ko lang magbakasyon at alamin kung ano ang buhay ni Patrick dito,” sabi ni Evander.
“Hindi naman iyon problema. Bahay din naman ito ni Patrick, kaya welcome ka rito. Kung may kailangan ka, sabihin mo lang sa akin o sa mga kasambahay,” sagot ko habang pinipilit maging natural.
“Okay. Salamat.”
Tumango ako.
Sandali kaming natahimik.
Hindi ko alam kung bakit parang naging awkward bigla ang simpleng pagkikita namin. Siguro dahil hindi ako sanay na may ibang lalaki sa bahay maliban kay Patrick. O baka dahil bago sa akin ang pagkakaroon ng kapatid nito na hindi ko man lang nakilala sa loob ng isang taon naming pagsasama.
Umupo ako sa kabilang sofa habang pinag-uusapan nina Patrick at Evander ang tungkol sa pag-stay nito sa bahay. Paminsan-minsan ay nakikinig ako, pero mas madalas ay tahimik lamang akong nakatingin sa kanila.
Magkamukha silang magkapatid, pero magkaiba ang aura nila.
Si Patrick ay palaging maayos, formal at conscious sa kilos niya. Si Evander naman ay mas simple. Hindi ito mukhang concerned kung ano ang iisipin ng ibang tao sa kanya. May confidence sa paraan ng pagkakaupo nito at parang hindi nito kailangang magsalita nang marami para mapansin.
“Elaria.”
Napalingon ako kay Patrick.
“Yes?”
“Ipakita mo kay Evander ang kuwarto niya. Nasa second floor, iyong nasa dulo ng hallway. Naayos na iyon ng mga kasambahay kanina.”
Tumayo ako.
“Okay. Sige.”
Tumayo rin si Evander at kinuha ang maliit niyang bag na nasa tabi ng sofa.
“Hindi na kailangan. Kaya ko na,” sabi niya.
“Okay lang. Halika,” sagot ko.
Nauna akong naglakad papunta sa hagdan. Narinig ko ang mga yabag niya sa likuran ko.
Habang umaakyat kami, pilit kong iniiwasang lumingon. Hindi ko alam kung bakit. Pero nang hindi ko na napigilan ang sarili ko, bahagya akong napalingon. Nagkataon namang nakatingin din siya sa akin. Mabilis kong ibinalik ang tingin ko sa harapan. Hindi ko alam kung bakit bigla akong napalunok. Wala naman siyang ginagawa. Wala rin naman akong ginagawa. Kapatid siya ng asawa ko.
Pero sa unang pagkikita pa lamang namin, may kung anong kakaiba sa titig ni Evander na hindi ko maipaliwanag. At sa sarili kong pagtataka, hindi ko maiwasang isipin kung bakit ganoon na lamang ang naging reaksyon ko sa kanya.